MANILA, Philippines - Nalimas ang may P3 milyong halaga ng mga alahas ng isang negosyante matapos looban ang bahay nito sa lungsod Quezon City, iniulat kahapon. Ang biktima ay nakilalang si Rodolfo Gutierrez, 81, residente sa East Maya St., Brgy. Philam Homes.
Ayon kay Gutierrez, nawawala ang kanyang lisensyadong kalibre 38 baril at ilang pirasong alahas na may kabuuang halagang P3 milyon. Sinabi ng biktima, nagising siya ng alas- 6 ng umaga at nagpunta sa master’s bedroom ng bungalow at doon nadiskubre na magulo ang mga kasangkapan dito.
Sinasabing tanging si Gutierrez at ang live-in-partner na si Deborah, 41, ang nakahimpil sa nasabing bahay. Pero natutulog ang mga ito sa ibang kuwarto dahil sa pinagagawa nila ito. Ayon kay Gutierrez, nang simulan niyang tsekin ang cabinet ay saka nalaman na nawawala na ang nasabing mga gamit.
Sinasabing ang bintana ng kuwarto ay bukas gayundin ang harap ng pintuan ng nasabing bahay na pinaniniwalaang pinagdaanan ng mga salarin. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso. (Ricky Tulipat)