3 magkapamilya tiklo sa shabu

MANILA, Philippines - Nagsama-sama na ngayon sa loob ng piitan ang tatlong miyembro ng isang tinaguriang “Shabu family” makaraang isa-isang maaresto ang mga ito dahil sa pagtutulak ng iligal na droga sa Pasay City.

Nakilala ang mga miyembro ng pamilya na sina Naneth Luna Mendoza, 18, ng no. 664 Protacio street, Pasay City; kuya nitong si Charlie, 24; at ina na si Anita, 48-anyos.

Unang naaresto ng pulisya si Charlie. Nadakip naman si Anita kamakalawa ng hapon sa isang entrap­ment operation sa Protacio Street habang nagbebenta ng bawal na gamot.

Dadalawin naman sana ni Naneth si Charlie sa Pasay City Jail nang madiskubre ni Jail Officer 1 Dionisio Siga-a na may lamang apat na pakete ng shabu ang dala nitong bag.

Agad na inaresto ng mga jail guard si Naneth at nakadetine na rin ngayon sa Pasay detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Inakusahan naman ni Anita ang mga jail guard na “frame-up” lamang ang pagkakadakip sa kanyang anak na dalaga na umano’y kagagawan ng isa ring dating bilanggo na nakaaway ng kanilang pamilya. (Danilo Garcia)

Show comments