MANILA, Philippines - Nagka-engkuwentro sa loob ng Manila Police District (MPD) ang isang police colonel at isang retiradong tinyente na kapwa dating nakatalaga sa MPD nang aksidenteng magkita, na nauwi sa labu-labo maging ng kanilang mga kasamahan sa UN Avenue, Ermita, Maynila, kahapon ng hapon.
Sina Supt. Jovito Asayo, na nakatalaga sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at retired Insp. Rico Miranda ay nagsuntukan dakong alas-2 ng hapon, lobby mismo ng MPD headquarters.
Kababa pa lamang ng kotse ni Asayo nang komprontahin ito ni Miranda at sinuntok sa mukha hanggang sa magkapalitan ng suntok ang dalawa.
Sa halip na awatin, ilan sa pinaniniwalaang kasama nila ang nagsagutan din hanggang sa magkaroon ng labu-labo. Dahil dito, inatasan ni MPD Director Chief Supt. Rodolfo Magtibay ang General Assignment Section (GAS) na mag-imbestiga.
Nilinaw naman ni Magtibay na walang grupo o tauhan ang dalawang opisyal sa mga nasangkot sa gulo dahil kapwa wala na ang mga ito sa MPD.
Ani Magtibay, posibleng may malalim na ugat at dating alitan ang magkabilang kampo.
Batay naman sa impormasyong nakuha ng PSN ay inaresto kamakailan ni Asayo ang anak ni Miranda na isa ding miyembro ng MPD at nakatalaga sa MPD-station 1. Inakusahan ni Asayo ang anak ni Miranda na may masamang balak dahil aali-aligid sa kanilang bahay. Nang arestuhin umano ang anak ni Miranda na isang pulis ay ipinosas pa umano at binitbit sa headquarters at sinuntok pa umano ni Asayo.
Nabatid din na bukod pa sa isyung ito ay nag-aakusa umano ang panig ni Asayo sa kampo ni Miranda na may kinalaman sa pagpatay sa kapatid na barangay chairman ni Asayo, may ilang taon na ang nakalipas. (Ludy Bermudo)