MANILA, Philippines - Dalawang empleyado ng money changer ang malubhang nasugatan makaraang ratratin ng dalawang grupo ng riding in tandem gang sa insidente ng panghoholdap sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ang mga biktima na sina Ramon , 31, ticketing officer ng San Isidro RIzal at Adrian del Rosario, 31, driver ng Las Piñas City; kapwa mga empleyado ng Rizal-based Seferico Money na matatagpuan sa Makati City.
Ayon sa ulat mabilis na tumakas ang mga suspect matapos ang insidente, ngunit nabigo namang makuha ng mga ito ang pakay na pera sa mga biktima dahil ang bag na kanilang nakuha ay pag-aari ng security guard na ang laman ay uniporme sa halip na ang pakay na pera.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may Pitsburg St., corner Aurora Blvd., Brgy. Silangan Cubao pasado alas- 6 ng gabi.
Sakay ng isang puting Toyota Corolla (TNG-881) ang mga biktima kasama sina Arnelito Lascano, 32, at Rodrigo Cruz, 33, kapwa mga security guard ng money changer at tinatahak ang nasabing lugar nang harangin ang mga ito ng mga suspek at saka pinaulanan ng bala ang sasakyan ng mga biktima sanhi upang tamaan sina Tabilaran at del Rosario.
Inagaw ng mga suspect ang dalang bag ng security guard na si Lascano na inakala nilang pera at mabilis na nagsipagsakay sa kanilang motorsiklo at tumakas. (Ricky Tulipat)