MANILA, Philippines - Patay sa saksak ang isang 41-anyos na ama nang pagbalingang saksakin ng grupong karambulan ng anak na babae, kamakalawa ng gabi, sa Tondo, Maynila.
Nakilala ang biktima na si Ferdinand Roque, vendor ng #1583 Franco st., Tondo ay binawian ng buhay sanhi ng saksak sa kaliwang dibdib malapit sa kilikili.
Sugatan naman ang anak ng biktimang si Joy, 16; Melvin Indusil, 20; at Ryan Rueda, 27, na pawang ginagamot pa sa Mary Johnston Medical Center. Itinuturong mga suspek sina alyas “Jeffrey”, “Ace Pring” at “Joey Rico”.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng bahay na matatagpuan sa A. Franco st., Tondo.
Nabatid na nagbabantay sa kanilang karinderya ang biktima at misis na si Jessica nang sumiklab ang riot na kinabibilangan ng anak nilang si Joy at mga kaibigang babae.
Nang umawat umano ang biktima ay biglang may nambato ng mga bote at bato mula sa ka labang grupo nila Joy. Hindi rin namalayan na duguan na ang biktima at nang isugod sa pagamutan ay idineklarang dead-on- arrival dahil sa saksak sa kaliwang dibdib. (Ludy Bermudo)