MANILA, Philippines - Mistulang ang karangalang nakamit ng isang traffic enforcer ay may kapalit na kalungkutan sa kaniyang pamilya matapos itong barilin at mapatay habang naka-duty sa traffic sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa UST Hospital ang biktimang si Alnor Suller, 37, may-asawa, miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ng Manila City Hall at residente ng Pampanga St., Gagalangin, Tondo sanhi ng tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan.
Hindi pa natutukoy ang salarin. Sa ulat ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-5:10 ng hapon nang maganap ang insidente sa harapan ng Immaculate Concepcion Ladies Hall sa 1473 España, Sampaloc, Maynila.
Sa naging salaysay ng saksing sina Roland De Guzman at Romeo Cuevas, kapwa pedicab driver, nakita nila ang biktima na sakay ng isang motorsiklo habang binabagtas ang España Ave., sa direksyon ng Quezon City subalit pagsapit sa nasabing lugar unti-unting bumagsak ang katawan nito sa semento na sinaklolohan niya upang madala sa ospital.
Nabatid na katatapos lamang magmando ng trapiko ng biktima sa P. Naval nang sumakay sa motorsiklo at nang mabaril umano ay nakatawag pa sa MTPB-Control Base at sinabing may tama siya.
Isa sa anggulong inaalam kung may kinalaman ang pagkakadakip ng biktima sa dalawang holdaper noong Oktubre 20, 2009, sa harapan ng North Star Transport, sa España at Craig Sts., kung saan napatay ng mga ito ang isang Ferrari Tan, 20, nurse ng Ospital ng Makati nang pilit nitong kinukuha ang kanyang mga gamit sa mga holdaper at mahulog ito sa sinasakyang dyip at masagasaan ito ng isa pang paparating na jeepney.
Isa si Suller sa naparangalan ni Manila Mayor Alfredo Lim sa pagkakaaresto sa mga suspek na sina Stanley Buena, 27 at Jerome Lambada, 24, kapwa miyembro ng Bahala na Gang, na nakapiit na sa Manila City Jail.
Bukod sa parangal ay nabigyan ng P10,000 cash award at nakatakda nang i-promote sa kaniyang serbisyo.