MANILA, Philippines - Arestado ang tatlong holdaper matapos nilang biktimahin ang isang bagitong pulis sa Navotas City kamakalawa. Nakilala ang mga suspek na sina John Rey Escobia, 21; Nenito Anciano, 19 at Zaldy Conchas, 27 pawang mga taga- Road-10, North Bay Boulevard South ng lungsod na ito.
Sa pahayag ng biktimang si PO1 Jovenal de Vera, 42, nakatalaga sa Maritime Police, nabatid alas-5 ng hapon, kasakay niya ang mga suspek sa pampasaherong jeep nang magdeklara ng holdap ang mga ito.
Dahil naka-civilian ay hindi inakala ng mga suspek na pulis ang biktima kung saan hindi pinansin ng mga holdaper ang dalang clutch bag ng biktima na pinaglagyan ng baril ni de Vera. Matapos makuha ang relo ni de Vera at gamit ng ilang pasahero ay agad na nagbabaan ang mga suspek upang tumakas.
Agad namang kinuha ni de Vera ang baril at mabilis na hinabol ang mga suspek hanggang sa magpalitan ng putok.
Ilang nagpapatrulyang mga pulis ang nakaresponde na naging dahilan upang sumuko ang mga suspek subalit wala na ang mga nakulimbat ng mga ito na sinasabing naitapon sa kung saan. (Lordeth Bonilla)