22 milyon estudyante, balik-eskuwela
MANILA, Philippines - Nagbalik na sa paaralan ang nasa 22 milyong mag-aaral sa elementarya at high school kabilang ang mga estudyante sa lalawigan ng Albay at Legazpi City sa pagtatapos ng “holiday vacation”.
Sinabi ni Kenneth Tirado, tagapagsalita ng DepEd, na naging normal naman ang balik-eskwela ng mga mag-aaral partikular na sa Metro Manila sa kabila ng ilang mga insidente na nagbulakbol ang mga estudyante sa high schools na namataan sa mga malls kaysa pumasok sa paaralan.
Balik-normal na rin ang klase sa mga paaralan sa Albay at mga lugar na naapektuhan ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon maliban sa Albay Central School na may mga evacuees pang nananatili.
Sinabi ni Tirado na inumpisahan ang klase sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng paglilinis sa mga silid-aralan at mga kagamitan na napuno ng alikabok buhat sa dalawang linggong hindi pagkakagamit.
Sinabi ni DepEd NCR Director Teresita Domalanta na kailangang mapunan ang mga klase na nawala noong nakaraang taon dahil sa sunud-sunod na bagyong tumama sa bansa. Kailangang mapunan ang 204 school days na inaasahang magiging maayos dahil sa pagpasok ng “summer season”. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending