MANILA, Philippines - Bilang pagsalubong sa Bagong Taon, inaanyayahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang mga Manilenyo na samahan silang saksihan ang fireworks display na isasagawa mamayang gabi sa Rajah Sulayman Park sa Maynila.
Ayon kay Chief of Staff Ric de Guzman, ang fireworks na nagkakahalaga ng isang milyon ay programa ng city government upang maiwasan nang pagpaputok pa ang mga residente na maaaring magdulot ng disgrasya.
Sinabi ni de Guzman na ito ay isang paraan upang maiwasan ang pagdami ng bilang ng mga nasusugatan sa pagsisindi ng mga paputok. Isa na itong makabago at ligtas na paraan ng pagsalubong sa bagong taon.
Aniya, ang fireworks display ay magpapakita ng iba’t ibang magagandang pagpapaputok na lubha namang hahangaan dahil isasagawa ng mga eksperto. Bukod sa fireworks, magkakaroon din ng mga programang mapapanood ang mga residente ng Maynila habang sinasalubong ang taong 2010. (Doris Franche)