MANILA, Philippines - Dahil sa pakikipag-karera para makakuha ng pasahero, muntik nang malagay sa alanganin ang buhay ng 40 pasahero kabilang ang driver ng isang pampasaherong bus makaraang sumalpok ito sa isang kongkretong poste matapos mawalan ng kontrol habang nakikipagkarera sa isa pang bus sa North EDSA sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, dahil sa malakas na pagkakasalpok, pumagitna ang kongretong poste sa nasabing bus na naging sanhi upang masugatan ang 40 pasahero kasama ang driver ng bus na si Florante Uy, ng Pili St., Talanay Village, Batasan Hills sa lungsod.
Ang mga nasabing pasahero ay nagtamo ng mga sugat at galos sa kanilang mga ulo at katawan kung saan lima sa mga ito, kabilang ang driver na si Uy ay nasa malubhang kalagayan.
Sa ulat, pasado alas-8 ng umaga nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng EDSA.
Ayon sa ilang saksi, mabilis umanong tinatahak ng BOTSC bus transit (NCZ-761) ang kahabaan ng EDSA dahil nakikipagkarerahan ito sa isa pang bus nang pagsapit sa bus lane area ay nagitgit ang una dahilan para mawalan ito ng giya at dumiretso sa poste ng mall.
Ayon sa pulisya, posibleng nag-uunahan sa pagkuha ng pasaherong nasa loob ng nasabing mall ang dalawang bus kung kaya nagkarerahan ang mga ito.