MANILA, Philippines - Nasunog ang katawan ng isang negosyanteng Tsinoy makaraang sumabog ang kanyang sinasakyang kotse habang papasok sa parking area ng isang establisimento sa Global City sa Fort Bonifacio, Taguig City kahapon ng tanghali.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Remigio Ang, 60, may-ari ng isang stall sa loob ng Serendra Mall sa 11th Avenue ng Global City.
Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang pagsabog sa bukana ng entrada ng parking area ng Serendra mall pasado alas-12 ng tanghali kahapon.
Sakay ang biktima ng kanyang lumang modelo ng Honda Civic (TNM-865) nang bigla itong sumabog.
Ayon sa mga nakasaksi, nakarinig sila ng malakas na pagsabog kung saan nakitang bigla na lamang nagliyab ang naturang kotse. Sinasabing pababa sana sa parking area ang kotse nang sumabog ito.
Bagama’t kasama sa kanilang imbestigasyon, sinabi ni Taguig City police chief, Sr. Supt. Camilo Cascolan na mahina ang teorya na isang uri ng terorismo ang naganap. Ayon sa pulisya, nasunog ang katawan ni Ang at kung bomba umano ang sumabog ay maaaring nagkagutay-gutay ito.
“Base sa inisyal na findings ng Explosives and Ordi nance Team, nagkaroon ng continuous combustion. There is no laceration on the body of the victim caused by shrapnel or hi-velocity materials consequent to bomb explosion. We have ruled out bomb explosion,” ani Cascolan.
Isa sa teoryang tinututukan sa imbestigasyon ang posibleng pagkakaroon ng problema sa electrical wiring o maging sa makina na maaaring dahilan ng pagsabog.