MANILA, Philippines - Isa sa limang miyembro ng kilabot na carjacking syndicate ang nasawi makaraang palagan at mabaril ng isang negosyanteng tatangayan sana nila ng sasakyan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa pamamagitan ng mga identification card nakilala ang nasawing suspek na si Redentor Fajardo, ng Baliwag Bulacan.
Ayon sa ulat, pinaghahanap pa ng pulisya ang apat na kasamahan ng nasawi na sinasabing sangkot sa serye ng carjacking incident sa Metro Manila.
Si Fajardo ay nasawi makaraang mabaril ng negosyanteng si Jeffrey Atanacio, 38, matapos na tangkaing i-carjack ng grupo ang sasakyan nito na isang Ford Explorer (XPC- 817).
Sa ulat, nangyari ang insidente sa may malapit sa tahanan ng biktima pasado alas-10 ng gabi.
Sinasabing papasok na sana ang biktima kasama ang kanyang pamilya sa gate ng kanilang bahay sakay ng Ford Explorer nang humarang sa daraanan nila ang mga suspek at sabay tutok sa kanila ng baril.
Puwersahang tinangay ng mga suspek ang nasabing sasakyan, ngunit hindi pa ang mga ito nakakalayo ay pinaputukan na ang mga ito ng biktima dahilan upang tamaan si Fajardo.
Sa pagbulagta ni Fajardo ay naalarma ang ibang kasamahan nito at nagsitakas sakay ng nakaantabay nilang getaway na Fortuner patungo sa hindi mabatid na direksyon.
Samantala, hinala ng awtoridad na malaking sindikato ang grupo dahil sa mga nakuhang IDs kabilang ang sa PNP intelligence unit na ginagamit nila para magkaroon ng access sa checkpoint.
Gayunman, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente upang matukoy ang iba pang suspek. (Ricky Tulipat)