IT courses sa Quezon City, magpapatuloy - SB
MANILA, Philippines - Patuloy na magkakaloob ng information technology (IT) courses ang mga pampublikong paaralan sa Quezon City bagamat nasalanta ng bagyong Ondoy ang maraming bilang ng mga high-tech equipment sa mga paaralan.
Kaugnay nito, inatasan ni QC Mayor Feliciano “SB” Belmonte Jr. si General Services Office (GSO) chief Rolando Montiel na magsagawa ng imbentaryo ng mga pasilidad tulad ng mga computers, laptops, printers, projectors, LCD, digital cameras, television sets, airconditioners at scanners sa may 98 na public elementary at 48 public high schools sa QC upang matiyak na ang lahat ng mga nasirang kagamitan ay maipagawa at ang iba naman ay mapalitan.
Sa kanyang ulat kay Mayor Belmonte, sinabi ni QC Division of City Schools assistant head Dr. Corazon Rubio na may kabuuang 183 computers, 30 printers, 7 projectors, 3 laptops, 3 digital cameras, 6 LCD, 53 TV sets, 25 aircon units, 12 computer tables, 6 computer chairs, 6 whiteboards, 2 scanners, and 4 biometrics ay nasalanta ng nagdaang bagyong Ondoy sa QC noong Setyembre.
Tiniyak ni Belmonte na sa pagtatapos ng kanyang termino sa susunod na taon bilang ama ng QC, makakamit ang goal ng lunsod na 1:1 book ratio sa bawat mag-aaral.
Sa loob ng halos 9 taon panunungkulan ni SB sa QC, maraming bilang ng mga programa at proyekto ang naipatupad nito upang mapahusay ang kalidad ng edukasyon sa mga pam publikong paaralan sa lungsod. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending