MANILA, Philippines - Dalawang construction worker ang patay habang dalawang kasamahan nito ang sugatan nang matabunan ang mga ito ng gumuhong pader sa ginagawa nilang gusali ng paaralan sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rogelio Abraham, at Moises Sancho, habang sugatan naman sina Rodel Vermillo, Jury Laparan na ginagamot ngayon sa Far Eastern University Hospital.
Sa ulat ng Police Station 5 ng Quezon City Police, pasado alas- 3 ng hapon nang mangyari ang insidente sa may Annex Building ng Maligaya Elementary School sa Maligaya Park Subdivision, Brgy. Pasong Putik sa lungsod.
Sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente habang naghuhukay ng lupa ang mga nabanggit na trahabador sa lugar nang bumigay ang pundasyon ng pader malapit sa kanilang lugar.
Sa pagbagsak ng pader ay biglang tumama ito sa nasabing mga worker dahilan upang mailibing sila sa nililikha nilang hukay.
Sinasabing dahil putikan ang naturang lugar nahirapan ang mga rumespondeng mga kasamahan ng mga biktima na maiahon ang mga ito.
Sa kasalukuyan, patuloy ang ginawang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat)