MANILA, Philippines - Tila naging madulas ang killer ng anak ng isang opisyal ng Malakanyang matapos na mabigo ang mga awtoridad na maaresto ito sa ginawang pagsalakay sa dalawang bahay sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.
Apat na grupo ng mga operatiba mula sa iba’t-ibang law enforcement units ang nagtungo sa bahay ng itinuturing na suspek na si Jason Ivler sa Blueridge Subdivision sa kahabaan ng Katipunan Avenue, Quezon City at sa ancestral house ng Aguilar family sa 7th Street, New Manila, sa nasabing lungsod ngunit hindi nila nagawang madakip ito.
Sinasabing si Ivler ay anak ni Marlene Aguilar, kapatid ng sikat na folk singer na si Freddie Aguilar. Ama ni Ivler ang British diplomat na si Stephen Pollard ng Asian Development Bank.
Hininala naman ng pulisya na nagtatago sa lalawigan ng Rizal ang suspek dahil merong farm doon ang pamilyang Aguilar.
Magkasama sa pagtugis kay Ivler ang mga unit ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit, Highway Patrol Group, Criminal Investigation and Detention Unit ng Quezon City Police District at Special Weapon and Tactics.
Hiniling na rin ng mga awtoridad ang hold departure order laban kay Ivler upang mapigilan itong makalabas ng bansa.
Si Ivler ay pangunahing suspek sa pagpatay kay Renato Victor Ebarle Jr., anak ni assistant secretary Renato Ebarle Sr, na naglilingkod sa tanggapan ng Presidential Chief of Staff.
Nag-ugat ang pamamaril kay Ebarle dahil sa simpleng away sa trapiko sa Santolan Road, Quezon City noong Miyerkules.