MANILA, Philippines - Dalawang hindi pa nakikilalang mga holdaper ang namatay nang makipagbarilan sa mga tauhan ng Malabon City Police na rumesponde sa panghoholdap sa isang taxi driver, kahapon ng madaling-araw sa naturang lungsod.
Kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na dinala sa Nate Funeral Homes habang nakatakas ang isa pang kasamahan ng mga ito.
Kinilala naman ni Supt. Antonio Ricafort, hepe ng District Police Intelligence Operation Unit, ang biktimang si Henry Refante, 51-anyos, ng Riverside, Potrero ng lungsod., driver ng Elgean taxi.
Dakong alas-12:30 ng hatinggabi nang isakay ng biktima sa kanyang taxi ang tatlong suspek sa Longos street at nagpahatid sa may Pampano Street.
Halos hindi pa nakakalayo ay nagdeklara na ng holdap ang mga biktima at binalutan ng masking tape ang bibig at mga kamay ni Refante bago inilagay sa compartment ng sasakyan.
Pagsapit sa Pampano st., ng lungsod ay napansin ng mga nagrorondang mga pulis ang mga suspek subalit bago malapitan ay nagbabaan ang mga huli sabay bunot ng mga baril at pinutukan ang mga pulis.
Gumanti ang mga pulis at nang matapos ay bulagta ang dalawang suspek habang nakatakas naman ang isa pang kasama nito.
Pinalad naman na hindi tinamaan ang biktima na nakita ng mga pulis sa compartment ng taxi. (Danilo Garcia)