MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ni Quezon City Vice Mayor Herbert Bautista ang City Health Office nito na hilingin din sa Department of Health ang malawakang pagbusisi sa mga nagkalat na pekeng klinika na nambibiktima ng mga pasyenteng may sakit sa tulo, gonorrhea, venereal desease o ‘yong tinatawag na sexually transmitted disease.
Ang hakbang ay ginawa ni Bautista nang makatanggap ng reklamo na may mga kumakalat na pekeng STD clinic sa Quezon City.
Sinabi ng vice mayor na agad niyang ipasasara at ipakukulong ang mga may-ari ng pekeng klinika oras na mapatunayang positibo sa pambibiktima ng mga pasyenteng may sakit na STD.
“Ang daming fees na hinihingi kapag napunta ka sa mga pekeng clinic na ito. Sa laboratory fee pa lang, ubos ka na. Sa gamot na ipinagbibili nila, sobrang mahal. At kung ilang beses ka ring pababalikin para sa kung ano-anong bayarin,” pahayag ni Bautista.
Bukod dito, wala ring katiyakan kung gagaling ang pasyente dahil hindi rin nakasiguro kung tunay na doktor ang tumitingin. (Angie dela Cruz)