MANILA, Philippines - Dalawa na namang pagsabog ang naganap kahapon ng madaling-araw, isa sa Mandaluyong at isa sa Quezon City.
Kasunod naman nito, pinawi kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang mga pangamba ng mga residente ng Metro Manila na isang uri ng ‘terrorist attack’ ang naganap na magkasunod na pagsabog.
Naitala ang unang pagsabog dakong alas-3 ng madaling-araw sa Ortigas Center sa Mandaluyong City kung saan isang “improvised explosive device (IED)” ang sumambulat dito.
Nangalaglag ang mga letra ng electric billboard ng San Miguel Corporation na nasa kanto ng Julia Vargas at San Miguel Avenue nang ihagis dito ng mga hindi nakilalang suspek ang sinasabing pasabog.
Hindi naman nakilala ang mga nasa likod ng pagpapasabog makaraang wala nang abutan ang security guard na si Jesus Cabigayan sa kanyang pagresponde sa naturang lugar.
Pasado alas-5 naman ng umaga nang yanigin ng malakas na pagsabog ang Quezon City, sa harap naman ng Puregold Supermarket na nasa Commonwelth Avenue.
Ang pagsabog ay nagdulot ng pagkawasak ng harapan, karatula ng naturang eatablisimento.
Ayon pa kay Insp. Arnulfo L. Franco, hepe ng Explosive Ordnance Disposal team ng Quezon City Police, nag-iwan din ang pagsabog ng hukay na may lalim na 3.5 talampakan at 24 sentimetro lawak.
Sinabi ng guwardiyang si Joel Galmorin, ng K9 Security Agency, nakita na lang niya ang isang lalake na may dalang plastic bag at biglang itinapon ito sa lugar.Ang nasabing bag ay bigla na lamang naglabas ng usok bago tuluyang sumabog.
Sinabi ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa na mahinang klase ang mga ginamit na pampasabog at tila walang intensyong manakit subali’t aminado na blanko pa rin ang kapulisan sa motibo ng pagpapasabog.
Kasabay nito, inatasan ni Verzosa si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Roberto ‘Boysie’ Rosales na imbestigahan ang nangyaring insidente kung may kaugnayan sa dalawang insidente rin ng pambobomba sa Pasig City at Quezon City noong Oktubre 30.
Noong Oktubre 30 ay niyanig ng pagsabog ng pillbox ang isang plantbox sa harapan ng Union Bank Plaza Towers sa kahabaan ng Meralco Avenue, Pasig City, habang isa namang Improvised Explosive Device ang sumabog din sa isang condominium building sa Quezon City .
Samantalang , pinayuhan rin ng chief PNP ang taumbayan na huwag magpanik at ipagpatuloy lamang ang kanilang normal na gawain kasabay ng pangakong ihaharap nila sa batas ang may kagagawan ng mga pagpapasabog sa susunod na mga araw.