MANILA, Philippines - Dalawang nene ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) nang magsisigaw ang isang estudyante na kanilang dinudukutan, sa Sampaloc, Manila kamakalawa ng hapon. Nasa kustodiya pa ng MPD-Women and Children Concern Division (WCCD) ang mga suspek na sina alyas Annalie, 17 at alyas Jenny, 15, kapwa residente ng Basan St., Quinta Market, Quiapo, Manila nang pormal na sampahan ng reklamo ng biktimang si Rhaine Ferrer, 18, estudyante ng St., Dominique, Cavite City.
Ayon sa ulat, dakong alas-5 ng hapon nang maaresto ang mga suspek sa kanto ng C.M. Recto Ave at Morayta St., sa Sampaloc. Sinabi ng biktima na binangga siya ng isa sa dalawang suspek habang naglalakad at nakasunod naman ang isa hanggang mapansin niyang nasa loob na ng bag niya ang kamay ng huli kaya napasigaw siya ng “mandurukot, mandurukot”.
Sa oras na iyon, nagsasagawa ng routine detective beat patrol ang pulisya kaya naaresto ang dalawa. (Ludy Bermudo)