MANILA, Philippines - Apat katao kabilang ang isang 70-anyos na lola ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Pasay City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa sinalakay na kalsada na kilala umanong bentahan ng iligal na droga, kahapon ng umaga sa naturang lungsod.
Kinilala ni Pasay police chief, Sr. Supt. Raul Petrasanta ang nadakip na lola na si Araceli Razon, may-ari ng tindahan ng bigas sa Interior Apelo Cruz Street sa Brgy. Malibay, ng naturang lungsod.
Naaresto rin naman ang anak nitong sina Venus Punzalan, Felix Razon at kinakasama nitong si Arlene Punzalan. Pinaghahanap naman ang nakatakas na suspek na si Jaime Punzalan.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang bulto ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P300,000 sa loob ng isang pitaka at itinago sa gilid ng itinitindang bigas.
Ayon kay Petrasanta, nakipag-ugnayan sa kanila ang PDEA sa pagsasagawa ng anti-drug operations kung saan magkatulong na sinalakay ang naturang lugar sa bisa ng search warrants na inisyu ni Judge Eduardo Peralta ng Manila Regional Trial Court Branch 17.
Sinabi nito na matagal na rin nilang minamanmanan ang naturang lugar ngunit nahihirapan silang magsagawa ng operasyon dahil sa pagkukunsinti umano ng ilang tiwaling opisyal ng barangay sa mga pusher sa naturang lugar.
Dahil dito’y kinailangan nila ang tulong ng PDEA at ng korte upang maisagawa ang sorpresang pagsalakay na nagbunga ng pagkakadakip sa pamilya Punzalan at pagkakakumpiska sa illegal na droga at iba pang paraphernalia sa paggamit nito. (Danilo Garcia at Ricky Tulipat)