MANILA, Philippines - Dahil sa lumalalang kaso sa paggamit ng uniporme ng mga pulis ng mga elementong kriminal, nagbabala ang hanay ng PNP sa mga hindi awtorisadong nagbebenta at nagtatahi nito na ipapasara sa sandaling mapatunayan ang kanilang paglabag.
Ito ang sinabi ni Chief Supt. Benjamin Belarmino, hepe ng Directorate for Research and Development ng PNP, matapos na igiit ang pagpapatupad ng Republic Act 3819 article 179 hingil sa pagbabawal sa sinuman na mag-manufacture at magbenta ng insignia, uniforms o magdamit ng mga uniporme ng pulis.
Sinabi ni Belarmino, sa ipinalabas na executive order ni dating Pangulong Joseph Estrada na may petsang Oktubre 4, 2000, binigyan ng kapangyarihan ang PNP na ipasara at kumpiskahin ang mga ganitong uri ng negosyo o produkto mula sa may-ari ng iligal at hindi lehitimong negosyo at bawian o kanselahin ang kanilang business permit ang mga may-aring lumalabag sa pinaiiral na batas. Ito anya ay para maiwasang magamit ang mga uniporme ng pulis sa mga iligal na aktibidad at krimen, tulad ng naganap na insidente ng panghoholdap sa Rolex store sa Greenbelt 5 sa Makati City. Magkagayunman, aminado ang opisyal na hindi basta-basta maipapasara ang mga nasabing puwesto dahil sa may proseso pa umanong dapat pagdaanan bago ipatupad ito. Kaya naman, pinag-aaralan na ng PNP na limitahan na lamang sa dalawang klase ang uniporme ng PNP, tulad ng isusuot sa pagpasok sa opisina at isa ay para sa police operations. (Ricky Tulipat)