Witness lumutang na sa NBI, 'pinagbaunan' kay Bentain ituturo

MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na may hawak silang impor­mante na magtuturo kung saan nakabaon ang nawawalang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) emplo­yee na si Edgar Bentain para sa posibleng pagbu­bukas ng kaso.

Sinabi ni NBI-Coun­ter-Terrorism Unit chief at Regional Director Atty. Ric Diaz, hindi muna nila papangalanan ang ka­nilang impormante na nagsabi sa kanila kung saan matatagpuan ang bangkay ni Bentain.

Aminado si Diaz na nasa proseso pa ng beri­pikasyon ang lahat ng im­pormasyong binitiwan ng impormante dahil ito umano ay hindi naman nakasaksi sa krimen su­balit ang nalalaman nito kahit isang second hand information ay maari ding pakinabanagan.

Kailangan umano nila ito upang madetermina kung may totoong krimen ng pagpatay dahil nagsi­mula lamang ang isyu sa pagdukot o pagkawala ni Bentain, may 10 taon na ang nakalipas.

Muling binuhay ang kaso ni Bentain matapos iutos ni Acting Justice Sec­retary Agnes Deva­na­dera sa NBI na imbes­tigahan ito sa pakiusap ng pamilya Bentain na nabuhayan ng loob sa exposé ni Senator Panfilo Lacson.

Nakikipag-ugnayan na ang mga ahente ng NBI sa Task Force Ben­tain para sa mga detalye sa kanilang kina­kalkal dahil wala pa silang naku­kuhang tes­tigo sa kaso.

Show comments