MANILA, Philippines - Nagdeklara na kahapon ng ‘heightened alert ‘ kasabay ng paglalatag ng security measures ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng tradisyonal na paggunita sa Todos los Santos o Araw ng mga Patay sa darating na Nobyembre 1.
Ayon kay PNP Chief Director General Jesus Verzosa, isinailalim na nila sa heightened alert status ang buong units ng kapulisan upang magbigay proteksyon sa publiko laban sa mga elementong kriminal at maging sa teroristang grupo na posibleng magsamantala sa okasyon.
Sinabi ni Verzosa na ang hakbang ay naglalayon ring matiyak ang kahandaan ng mga police units at personnel upang gampanan ang kanilang mga tungkulin.
Alinsunod sa kautusan ni Verzosa ang lahat ng mga Police Regional Offices ay magsasagawa ng security measures sa mahabang weekend holiday kung saan inaasahan na milyong mga katao ang dadagsa sa mga pampublikong sementeryo at memorial parks para dalawin ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Nag-isyu rin ng Letter of Instruction (LOI) 68/09 si Verzosa kaugnay ng ipatutupad na alituntunin sa isasagawang contingency plans, public security measures, security coverage at iba pang uri ng serbisyo publiko na ipagkakaloob ng PNP sa mamamayan sa All Saints Day at All Souls Day.
Samantala, kaugnay naman ng inaasahang pagkakabuhul-buhol ng daloy ng trapiko sa pagdagsa ng mga commuters na papasok at lalabas sa Metro Manila upang magtungo sa mga probinsya ay nagtatag na rin ng Public Assistance Centers sa kahabaan ng highways at mga pangunahing lansangan patungo sa North at South Expressways.
Inatasan rin ni Verzosa si NCRPO Chief Director Roberto “Boysie” Rosales na paigtingin ang police visibility sa mga terminal at mga daungan ng mga sasakyan. (Joy Cantos)