MANILA, Philippines - Sa kabila ng makailang ulit na pagsalakay ng awtoridad sa Balintawak market dahil sa pagbebenta ng hot meat, tila wala talagang takot ang mga negosyante na nagbebenta nito makaraang muling makasamsam ang mga awtoridad ng tone-toneladang botcha kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Dr. Eduardo Oblina, ng National Meat Inspection Services (NMIS), sinisimulan muli ng mga negosyante ang ganitong kalakalan sa pag-aakalang makakalusot sa mahigpit nilang operasyon.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng La Loma Police Station 1, Task Force Bantay Karne (TFBK) at NMIS, makaraang makatanggap ng impormasyon ang kagawaran na nagkalat na naman ang nagbebenta ng botcha sa nasabing palengke.
Sa sorpresang pagsalakay ay naaktuhan sa ilang mga tindahan sa labas ng nasabing palengke ang mga double dead na karne. Wala na rin ang mga nagtitinda ng mga nasabing karne nang salakayin ito ng mga awtoridad.
Ayon sa NMIS, posibleng ang mga karne ay mga namatay mula sa nakaraang insidente ng bagyong Ondoy o Pepeng at dinala sa nasabing palengke para ibenta.
Sinasabing madalas na kagatin ng mga mamimili ang ganitong uri ng karne dahil mura ang iniaalok na presyo nito kaysa sa lehitimong karne na galing sa inspections. (Ricky Tulipat)