MANILA, Philippines - Patay ang isang binata matapos na pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin sa harap mismo ng kanyang girlfriend sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-arrival sa Far Eastern University Hospital ang biktimang si Paolo Lopez, 22, ng Kingfisher St., Brgy. Batasan Hills sa lungsod. Nanatiling blangko naman ang awtoridad sa pagkakakilanlan sa suspek na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Luzviminda St., Brgy. Batasan Hills pasado alas-2 ng madaling-araw. Sinasabing nakikipag-kwentuhan ang biktima sa kanyang syota na si Gemma Calma nang biglang sumulpot ang suspek at pagbabarilin ito.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.