Bading nang-hostage sa Tondo

MANILA, Philippines - Mahigit dalawang oras bago napasuko ang isang 43-anyos na bading matapos i-hostage ang kaniyang kapitbahay, sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga. Nakapiit na sa Manila Police District-Station 1 ang suspek na si Arnel l Supangco, ng Angat St., Tondo, Maynila matapos umanong i-hostage si Susan Cruz, 48, may-asawa at kapitbahay ng suspek.

Ayon sa ulat, dakong alas-11 ng umaga nang maganap ang hostage drama sa loob ng bahay ng suspek. Nabatid na ang suspek ay nanghihingi ng pera sa kaniyang ina habang kausap si Cruz, nang hindi ito umano bigyan hinila nito papasok ng bahay si Cruz at hindi umano pinalalabas. Nang dahil sa komosyon, agad itinawag sa presinto ang sinasabing hostage taking hanggang sa rumesponde ang kapulisan. Nang magsilbing negosyador umano si PO3 Vernie Patdo, na kakilala ng suspek, nagawa siyang ma­kumbinsing maligo muna hanggang sa nahimasmasan at kusa nang sumuko sa pulisya. (Ludy Bermudo)

Show comments