MANILA, Philippines - Tatlong pinaniniwalaang mga drug traffickers ang nadakip ng mga pinagsanib na puwersa ng Southern Police District at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang salakayin ang isang bahay na nagsisilbi umanong drug den, kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.
Nakilala ang mga naaresto na sina Samuel Chan, Lam Chee Tat Anthony at Roderiza Maureen Nicolas, pawang mga naninirahan sa sinalakay na bahay sa #504-B Cernan Street, Moonwalk Village, Phase 1, ng naturang lungsod.
Sa ulat ni Sr. Supt. Alfredo Valdez, hepe ng Parañaque police, dakong alas-2 ng hapon nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng SPD, PDEA at Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force ang naturang bahay makaraang ang ulat na bagsakan ito ng bultu-bultong iligal na droga.
May 100 gramo na hinihinalang shabu ang natagpuan ng mga awtoridad sa isang kaha-de-yero sa loob ng naturang bahay bukod pa sa iba’t ibang mga parapernalya at isang kalibre .22 na baril.
Isinagawa ang pagsalakay makaraan ang “intelligence report” na natunton ang naturang bahay na siyang kuta ng malaking grupo ng drug traffickers na isa sa pangunahing nagsu-suplay ng iligal na droga sa Metro Manila. (Danilo Garcia)