MANILA, Philippines - Ipatatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang doktor ng Philippine General Hospital (PGH) na inireklamo matapos makaiwan ito ng gasa (surgical gauze) sa loob ng ari ng isang pasyenteng nagsilang ng sanggol.
Nabatid na isu-subpoena ng NBI-Vio lence Against Women and Children Division (VAWCD) si Dr. Maricel Reyes, ang obstetrician/gynecologist (Ob-Gyne), kaugnay sa sinasabing kapabayaan nito sa pasyenteng si Janet Dizon.
Nabatid na isang buwan pa ang nakalipas nang madiskubre na may gasang naiwan sa ari ng ginang nang lagnatin at makaramdam ng matinding pananakit ng tiyan at puwerta si Dizon.
Sa rekord, noong Hunyo 20, 2009 nanganak si Dizon sa PGH at na-confine sa loob ng 15-araw, dahil sa matagalang obserbasyon sa kanya, na may sakit din sa puso at kondisyon ng kanyang isinilang.
Noong Hulyo 5 umano siya na-discharge at kinagabihan ay nilalagnat na umano siya sa bahay na hindi umano niya ininda. Nang manakit umano ang puwerta, inisip lamang niya na dahil iyon sa tahi sa pagdaan ng sanggol sa puwerta.
Noong Hulyo 21, napansin niya na parang may nasa loob ng kanyang ari kaya ipinasuri niya ito sa Jose Reyes Memorial Medical Center kinabukasan at doon nga natuklasan ni Dr. Nerissa Gabriel, Ob-Gyne ang nabubulok na gasa sa loob ng kanyang ari.
Kung hindi umano natanggal ay posibleng mas lumala ang impeksiyon na maari niyang ikamatay.
Aalamin sa imbestigasyon ang pananagutan ni Dr. Reyes sa kapabayaan.