MANILA, Philippines - Limampung establisimento na sinasabing nagsamantala ngayong nasa ilalim sa State of Calamity ang bansa dahil sa overpricing ang kinasuhan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Hindi naman inisa-isa ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya ang mga establisimento na karamihan umano ay nasa mga lugar na matinding hinagupit ng kalamidad. Sinabi nito na isinampa na nila sa mga korte ang mga kaso upang mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga negosyante dahil sa tanging pagmumulta lamang ang kayang ipatupad ng DTI.
Sinabi rin ni DTI Secretary Peter Favila na mahaharap sa multang P1 milyon at pagkakulong ang sinumang mahuhuling lalabag sa “price control”, habang paparusahan naman ng P2 milyong multa at 15 taong pagkakulong ang mga mahuhuling nagsasagawa ng “hoarding” sa panahon ng kalamidad.
Nagbabala naman si Maglaya sa mga “laundry shops” na kabilang rin sila sa mga mapapatawan ng parusa hindi lamang mga negosyante ng pagkain matapos na makatanggap ng mga sumbong na tumaas ang kanilang singil ngayong panahon ng kalamidad.