NASAGASAAN NG TAXI , BUS AT TRAK: Kelot lasog sa EDSA

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang pagkamatay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki makara­ang mabangga ng isang taxi, isang bus at isang trak habang nagtatangkang tu­mawid sa kahabaan ng EDSA sa Makati City kahapon ng madaling-araw.

Nagkalasug-lasog ang mga buto at basag ang ulo ng hindi pa nakikilalang bik­tima. Hawak naman ng mga awtoridad ang driver ng taxi (TWS-421) na si Danilo Saring, 53, ng Block 205 Lot 18, Cactus Street, Brgy. Pembo, ng naturang lung­sod. Tumakas naman ang mga driver ng nakabangga rin na bus at trak.

Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:40 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa paanan ng flyover sa may EDSA malapit sa Arnaiz Avenue.

Binabagtas ni Saring ang EDSA nang hindi ma­pansin ang biktima na umano’y biglang tumawid hang­gang sa mahagip ito at tumilapon ng ilang metro. Lalo pang natiyak ang kamatayan ng biktima nang ma­bundol ito ng kasunod na bus at ng isa pang trak na kumaladkad sa biktima.

Hinintuan naman ni Saring ang bik­tima ngunit tulu­yang tumakas na ang mga driver ng bus at trak na hindi na nakuha ang plaka dahil sa bilis ng pangyayari.

Sinabi naman sa pulisya ng security guard ng Eco­logy Village na katapat ng pinangyarihan ng insidente na madalas niyang nakikita na palabuy-laboy lamang sa lansangan ang biktima. (Danilo Garcia)

Show comments