Sudanese sangkot sa human organ trafficking, tiklo ng Bureau of Im­migration

MANILA, Philippines - Naaresto ng Bureau of Im­migration (BI) ang isang Su­danese national na umano’y leader ng sindi­kato ng human organ trafficking sa Metro Manila.

Kinilala ang suspek na si Bargeldin Elzaki Ibraim El Habib, 31, na naaresto sa kan­yang condominium unit sa Pasong Tamo St. Makati City.

Sinabi ni Immigration Com­mis­sioner Marcelino Libanan na ang pagkaka­aresto sa suspek ay bun­sod sa natanggap nilang impormasyon mula sa Saudi embassy kaugnay sa umano’y pagkakasang­kot nito sa sin­dikato ng swindling.

Kaagad nagpalabas ng mission order si Libanan upang maaresto ang sus­pek, subalit batay sa ulat ni Atty. Henry Tubban Sr. hepe ng Immigration Area IV-NCR-south, inireklamo si Habib ng ilang pas­yente mula sa Saudi Arabia dahil sa panloloko sa kanila.

Modus umano ng sin­di­kato na hikayatin ang mga pasyente na magbiyahe mula sa Saudi Arabia pa­tungo sa Manila upang sumailalim sa kidney transplant subalit walang nang­yayaring transplant ma­tapos na makapagbayad ang mga biktima.

Kasabwat din umano ng suspek ang ilang Filipino me­dical practitioners upang ma­kum­binse ang mga bik­tima na dito sa Maynila sumailalim sa transplant.

Nadiskubre din ng BI na du­mating sa bansa si Habib noong July 2000 at nabigyan ng stu­dent visa subalit hindi na ito nag renew matapos na mag-expire noong 2004. (Gemma Amargo-Garcia at Ludy Bermudo)

Show comments