Estudyante binigti sa puno ng aratiles
MANILA, Philippines - Isang malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya kung binigti o nagbigti ang isang psychology student matapos itong matagpuang nakabitin sa isang puno ng aratiles sa isang bakanteng lote sa Malabon City kahapon ng umaga.
Patay na nang makita si Marvin Upo, 20, estudyante at residente ng Reparo St., Caloocan City.
Sa imbestigasyon, alas-5:45 ng umaga nang makitang nakabigti ng sweatshirt ang biktima sa puno ng aratiles sa bakanteng lote sa Poinsettia St., Brgy. Potrero, Malabon City ng isang Cezar Arapide.
Nabatid sa kaanak ng biktima na ang pinangbigti ng biktima ay hindi nito pag-aari kung saan wala naman nawala sa mga gamit nito. Huling nakitang buhay ang biktima alas-10 ng umaga matapos utusan ng kanyang ina na tubusin ang isinala ng huli na kuwintas.
Palaisipan din sa mga pulis ang puwesto ng biktima na sayad ang paa at kung tatayo ay hindi ito mabibigti.
Wala rin umanong alam na dahilan ang mga kaanak ng biktima upang magbigti ito kung saan inaalam na ng mga pulis kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending