MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang kilabot na holdaper na kasama sa grupong nambibiktima sa mga nagwi-withdraw sa mga ATM (automated teller machines) sa isang habulan kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Nakilala ang nadakip na suspek na si Senen Gregorio, 27 anyos, residente ng #2445 Decena St., Pasay. Nakumpiska dito ang ilang daang pera na naging parte nito sa pambibiktima kay Rey Domingo, 28-anyos, ng 123 Binay street, Rockfeller, Makati City.
Pinaghahanap naman ang tatlong nakatakas na kasamahan ni Gregorio na sina Willy De Leon, isang alyas Gabu, at isang “Boy Demonyo”.
Naganap ang insidente dakong alas-4:00 ng hapon sa may ATM station ng Banco De Oro sa Colayco Street, Pasay.
Kawi-withdraw pa lamang ng pera ni Domingo nang harangin siya ng mga suspek at tutukan ng patalim.
Nanlaban naman ang biktima sanhi upang saksakin ng mga suspek na masuwerteng naiwasan nito. Natangay sa biktima ang pera niyang P1,500 at hindi rin pinatawad ang kanyang sandals na suot.
Nagawa namang makahingi ng tulong ng biktima sa mga tauhan ng Police Community Precinct 4 na kaagad namang nagresponde na naging dahilan sa pagkakaaresto kay Gregorio malapit sa bahay nito makaraang pagpartihan na ng kanyang mga kasama ang nakulimbat na pera. (Danilo Garcia)