MANILA, Philippines - “Not guilty plea” ang inihain ng mga akusado sa pagpatay kay Ruby Rose Barrameda sa isinagawang arraignment sa Malabon City Regional Trial Court kahapon ng umaga.
Alas-8:30 ng umaga, kasama ni Atty. Manuel Jimenez Jr. ang kanyang abogadong si Mario Aguinaldo sa sala ni Judge Hector Almeyda ng RTC Branch 170 at naghain ito ng not guilty plea. Kasama ng matandang Jimenez sa kanyang pagtungo sa korte ang mga escort mula sa kagawad ng Angono, Rizal Police sa pamumuno ni Supt. Rommel Estolano na doon siya sumuko.
Not guilty plea rin ang inihain ni Manuel Montero at kasama nito ang mga abogadong sina Howard Areza at Patrick Dureza. Si Jimenez ay sakay ng ambulansya at naka-stretcher nang ipasok sa loob ng korte.
Kasalukuyan pa rin pinaghahanap ang kapatid ni Jimenez na si Lope at sina Eric Fernandez, Spyke Descalzo at Roberto Ponce na kasama rin sa mga kinasuhan. Tanging abogado lamang ni Lope na si Atty. Paul Lentejas ang dumalo sa arraignment.
Samantala, hiniling ng pamilya Barrameda sa korte, mula sa Angono Rizal Hospital ay ilipat ang matandang Jimenez sa isang ospital sa Metro Manila. (Lordeth Bonilla)