MANILA, Philippines - Umapela kahapon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa daan-daang pamilya na naninirahan sa gilid ng Ibayo Creek sa Parañaque City na kusang lisanin na ang kanilang mga barung-barong bago puwersahang gibain ng kanilang mga tauhan dahil sa pagiging sanhi ng pagbabaha sa lungsod kapag umuulan.
Sinabi ni MMDA Flood Control Management Service head, Baltazar Melgar na nadiskubre nila na ang naturang mga kabahayan ang dahilan ng matinding pagbabaha sa Sucat Road nitong nakaraang Linggo. Umaabot umano sa 125 pamilya ang naninirahan sa naturang creek sa Brgy. Sto. Niño na ibinabala rin ang kanilang mga sarili sa posibleng trahedya.
Iginiit pa ni Melgar na inisyuhan na nila ng “notices” ang mga residente noon pang buwan ng Agosto upang maisaayos ang daloy ng tubig. May 25 pamilya na umano ang tumugon sa kanila at kusang lumisan sa kanilang mga tinitirhan matapos na tanggapin ang P3,000 tulong pinansyal.
Patuloy din naman ang koordinasyon nila sa Parañaque City Government ukol sa usapin ng naturang mga squatter. Sinabi rin ni Melgar na handa silang alalayan sa paglilipat ng kanilang mga gamit ang mga pamilya kung hihilingin sa kanila.
Bukod sa nakatakdang “widening” ng Ibayo Creek, magsasagawa rin ng “pipe laying” ang MMDA para maisaayos ang “drainage system” ng Sucat Road. (Danilo Garcia)