MANILA, Philippines - Makikipag-ugnayan ang Manila Police District sa pamunuan ng Manuel L. Quezon University (MLQU) kaugnay sa reklamo ng isang estudyanteng sugatan dahil sa hazing na dinanas sa umano’y tatlong miyembro ng Leysam Fraternity, na naganap mismo sa nasabing paaralan.
Kinilala lamang sa mga alyas na “Boco Cruz”, “Codom” at “Decena”, ang mga suspect na pawang mga miyembro ng Leysam Fraternity matapos ireklamo ng isang estudyante ng MLQU na si Kevin Narca, 19, ng Bignay St., Project 2, Quezon City.
Hindi pa detalyado ang ulat sa kung paano at gaano kalubha ang tinamong sugat ng biktima dahil sa hazing na isinagawa sa ika-7 palapag ng MLQU Main Bldg, sa R. Hidalgo, Quiapo, Maynila, dakong alas-3 ng hapon, kamakalawa.
Nais alamin ng pulisya kung paano nakakalusot o sadya bang pinayagan ng security personnel ng eskwelahan ang hazing sa unibersidad. (Ludy Bermudo)