MANILA, Philippines - Nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tinatayang P4-milyong halaga ng mga gamot kung saan nire-repack ang mga imported subalit expired na gamot upang ibenta, sa isang warehouse sa Angat, Bulacan, sa ulat kahapon.
Sa inisyal na ulat, ibinunyag ng NBI-Counter Intelligence Division (CID) na ang mga expired na gamot na nagmula sa China, Estados Unidos, Pakistan at Karachi ay iniipon ng isang negosyanteng si Vicente Santos at ipinare-repack upang muling maibenta sa mga botika sa Southern Luzon.
Ayon sa NBI, tinutugis pa nila ang suspek na si Santos matapos madiskubre ang minimentina nitong bodega sa gitna ng palayan, sa Brgy. Binagbag, Angat, Bulacan noong Martes ng gabi.
Tumagal ng dalawang araw ang pag-iimbentaryo ng mga nakumpiskang gamot na natuklasanag pawang expired na sa taong “2008” na para sa mga sakit na asthma, sipon, bitamina, at anti-biotics, anti-bacterial oral drops, gayundin mga tabletas para sa epilepsy, na nakalagay sa mga kahon.
Sinabi ni Head Agent lawyer Regner Peneza, hepe ng NBI-CID, na naberipika na nila na walang lisensiya at hindi pinapayagan ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) na magbenta o mag-repack man si Santos ng anumang uri ng gamot. Nakatakda umanong ibiyahe patungong Bicol region ang mga expired na gamot.
Isinasalang pa sa pagsusuri ng NBI forensic chemistry division at BFAD ang mga naturang gamot.