MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ng Department of Justice na hindi pa rin lusot sa kasong murder ang asawa ni Ruby Rose Barrameda-Jimenez na si Manuel Jimenez III kahit hindi ito napasama sa mga kinasuhan sa korte.
Sinabi ni DOJ Secretary Agnes Devanadera sa isang panayam sa radyo na posible pa ring mapasama sa listahan ng mga akusado si Manuel III kapag may bagong ebidensya laban dito.
“Ngayon, hindi ibig sabihin na dahil hindi sila kasama sa isinampa ng ating mga prosecutor, di ibig sabihin diyan e libre na sila. Any time ang ating prosecutor makakalap ng additional evidence, ito pwede muli buksan ang demanda at maamyenda,” sabi ni Devanadera.
Sinabi pa ni Devanadera na, sa ngayon, walang ebidensya laban kay Manuel III para isangkot ito sa pagkakapaslang kay Ruby Rose na kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda.
Isinampa ng DOJ noong Lunes sa Navotas Regional Trial Court ang kasong murder laban sa biyenan ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez Jr., kapatid nitong si Lope Jimenez, at mga kasabwat na sina Manuel Montero, Eric Fernandez, Lennard Descalso at Robert Ponce.
Inaasahang magiging testigo ng pamahalaan si Montero na siyang nagbunyag sa mga awtoridad sa pagkakapaslang kay Ruby Rose.
Bukod kay Manuel III, hindi rin isinama sa kaso ang isa pang suspek na si Rudy dela Cruz dahil sa kakulangan din ng ebidensya laban dito.
Ang fishing magnate na si Lope Jimenez ang may-ari ng Buena Suerte Jimenez Fishing and Trading Co. na may tanggapan sa Navotas at lugar na sinasabing pinaslang si Ruby Rose bago isinimento sa drum at inihulog sa Manila Bay.
Mariing pinabulaanan ng mga Jimenez ang akusasyon laban sa kanila.