Taxi driver patay sa holdap

MANILA, Philippines - Isang taxi driver ang natagpuang patay sa loob ng kanyang minamane­hong taxi matapos na pagsasaksakin ng dala­wang holdaper niyang pa­sahero sa lungsod Quezon kahapon ng madaling- araw.

Kinilala ang nasawi na si Rogelio Juarez, 61, ng Balong Bato, Riverside Commowealth,Quezon City.

Ayon sa ulat, natag­puan ang biktima ng mga residente sa loob ng pina­pasada nitong taxi habang nakahandusay sa may tapat ng #26-B Matimpiin St. Brgy. Pinayahan sa lungsod dakong alas-12:15 ng madaling-araw.

Sabi ni James Eles, napansin niya ang isang Agassiz taxi (TWN-856) na nakabalagbag ang parada sa nasabing lugar kung kaya’t nilapitan niya ito at dito nadiskubreng patay na ang biktima sa loob ng nasabing sasakyan.

Ayon naman sa isang Larry Vergara, bago nila nakita ang bangkay ng biktima, napuna niya ang dalawang lalaki na huma­hagibis papalayo sa taxi pero hindi niya namukhaan ang mga ito.

Sinasabing sa pagta­kas ng mga suspek ay su­makay ito sa isang tricycle na minamaneho ng isang Rowel Cruz at naghatid sa Aurora Blvd., Cubao ngunit pagsapit sa kanto ng Lauan St. dito ay agad ding nagsipagbabaan.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, tadtad ng tama ng saksak sa katawan ang bik­tima at nawawala rin ang kinita nito na maaring tinangay na rin ng suspek. (Ricky Tulipat)

Show comments