MANILA, Philippines - Nagdulot ng matinding trapik sa Aurora underpass Cubao matapos na magkarambola ang limang sasakyan habang binabagtas ang nasabing lugar sa lungsod Quezon.
Partikular na nagsalpukan sa lugar ang isang Goldrich bus liner (NYS-824) na minamaneho ni Michael Seno, 26; Polane Taxi (TXL-960) na minama neho naman ni Reynaldo Mendoza, 48; Wagon Fortuner (ZLM-655) na minamaneho ni Randel Ochoa, 27; Artm Taxi (TxR-172), na minamaneho ni Rowel Dagatao; at isang Sedan (ZKE-956) na minamaneho naman ng isang Christopher Manansala, 35.
Ayon sa traffic sector 3 ng Quezon City Police, nangyari ang insidente pasado alas-6 ng umaga sa kahabaan ng Edsa north-bound lane, partikular sa Aurora underpass Cubao harap ng Metro Business College sa lungsod.
Diumano, magkakasabay na tinatahak ng nasabing mga sasakyan ang nasabing lugar nang biglang bundulin ng bus na minamaneho ni Seno ang Polani Taxi na minamaneho ni Mendoza hanggang sa tumbukin nito ang taxi na minamaneho ni Dagatao, sanhi ng pagkakabangga naman nito sa Fortuner ni Ochoa.
Sa pagkakabundol sa Fortuner ay sinalpok naman nito ang isa pang taxi na minamaneho ni Manansala, kung saan sa lakas ng impact ay pumaibabaw ang una sa bubungan ng nasabing mga taxi. (Ricky Tulipat)