MANILA, Philippines - Pitong pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na kidnap-for-ransom (KFR) syndicate na responsable sa pagdukot sa Chinese trader sa Navotas ang napaslang sa magkakahiwalay na shootout sa mga operatiba ng Police Anti-Crime Operatives (PACER) sa safehouse ng mga kidnappers sa Taytay, Rizal at sa follow-up operations sa Caloocan City nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang nailigtas na biktima na si Michelle Tan, may-ari ng isang garment factory na nakabase sa Navotas.
Ang biktima ay dinukot ng mga suspect sa garment factory nito sa San Rafael Subdivision, Navotas noong Linggo (Agosto 9).
Sinabi ni Verzosa na ang pagkakasagip kay Tan ay nagresulta rin sa pagkakapatay sa dalawang suspect na nakipagbarilan sa raiding team sa raid sa natuntong safehouse ng mga kidnappers sa Block 18, Lot 32, West Bank Road, San Juan Village, Taytay, Rizal dakong alas-10:45 ng gabi kamakalawa.
Bago ito, sinabi ni Verzosa na nakatanggap ng impormasyon ang PACER at ang Criminal Investigation and Detection Group na sa nasabing lugar itinatago ng mga kidnappers ang naturang negosyante.
Samantalang nakipagtulungan rin ang pamilya Tan sa mga awtoridad na sinabing sa Taytay itinakda ang pay-off kaugnay ng hinihingi ng mga itong milyong halaga ng ransom kapalit ng pagpapalaya sa biktima.
Gayunman, nagawa namang makatakas ng tatlo pang suspect sa kasagsagan ng putukan.
Samantala, bandang alas-11 naman kamakalawa ng gabi ng maispatan ng mga operatiba ng pulisya ang isang kahinahinalang behikulo habang umiikot sa bahagi ng Camarin at Bagong Silang, Caloocan City na sinasakyan ng limang kidnappers na kasamahan ng naunang dalawang napatay.
Ang kulay puting Toyota Avanza na may plakang TYP-282 na naispatang gumagala sa Camarin Road sa lungsod ng Caloocan ay nadiskubreng isa palang nakaw na behikulo.
Bunga nito, ayon kay Verzosa ay hinarang ng mga awtoridad sa checkpoint ang nasabing behikulo na tumangging huminto bunsod upang magkaroon ng habulan at pagpapalitan ng putok na nagresulta sa pagkasawi ng lima pang suspect. Narekober sa loob ng behikulo ang mobile phone na ginamit ng mga suspect sa pagkontak sa pamilya ni Tan para humingi ng ransom, isang cal. 45 pistol, sari-saring uri ng mga bala, tatlong cal. 45 pistol at isang cal. 9mm.