MANILA, Philippines - Dahil sa pambababae umano ng kanyang mister, nagbigti ang isang 28-anyos na ginang na ikinasawi nito sa loob ng kanilang bahay, sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.
Isinugod pa sa Mary Chilles Hospital ang biktimang si Nerissa Villanueva, vendor ng P. Paredes St., Sampaloc, Maynila subalit wala nang nagawa ang mga doktor at agad idineklarang patay.
Sa ulat ni Det. Richard Lumbad ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6 ng umaga nang matuklasang nakabigti ang biktima sa loob ng banyo ng kanilang bahay.
Aminado ang mister na si Jonald, mister ng nasawi na nag-away sila ng huli hinggil sa relasyon niya umano sa ibang babae, kamakalawa, dakong alas-7:30 ng gabi at lumabas siya ng bahay upang hindi umano lumala ang away. Matapos umano siyang magpagala-gala sa Quiapo at uminom ng alak ay umuwi siya ng alas-4:30 ng madaling-araw subalit nakita niyang sobrang galit pa ng misis at lasing din umano matapos makipag-inuman sa kapitbahay na nagdiwang ng kaarawan.
Kinalmot pa umano siya ng misis at tinangkang saksakin kaya nasaktan niya ang biktima upang tumigil hanggang sa muling umalis siya ng bahay at nagpalipas ng oras sa Luneta.
Sa pagbalik muli sa bahay dakong alas-6 ng umaga ay nagulat siya nang malamang nagbigti ang misis.
Sa salaysay ni Lope Javier, kapatid ng biktima, nakita nito ang biktima na pumasok sa loob ng banyo matapos na ang pakikipag-inuman sa kanilang kapitbahay at hindi ito lumalabas hanggang sa natuklasang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti gamit ang tela.
Nakuha ni Lope sa tabi ng kanyang kapatid ang isang suicide note kung saan nagsasaad ang paghingi nito ng tawad sa kanyang anak at asawa. Hiniling din nito na sana tumigil na sa pambababae ang kanyang mister.
Aminado si Jonald na may karelasyon siyang babae. Naniniwala naman ang pulisya na walang naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima dahil mismong kapatid nito ang nagpatunay na nagpakamatay ito. (Ludy Bermudo)