MANILA, Philippines - Lamog na ang katawan, nakulong pa sa kasong paglabag sa Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes o Article 168 ng Revised Penal Code ang isang 35-anyos na lalaking nagsugal gamit ang pekeng P500-bills nang kuyugin ng taumbayan at ipadakip sa mga pulis sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng madaling-araw. Hawak ngayon ng MPD-Station 3 (Sta. Cruz) ang suspek na si Larry Silva, miyembro ng Sigue-sigue-Commando at residente ng Tindalo St., Tondo dahil sa reklamo ni Arnel Fabro 39, kagawad ng barangay 316, Zone 32, District III at residente ng M. Natividad St., Sta. Cruz, Maynila. Ayon sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa isang lamayan sa patay sa M. Natividad St., Sta. Cruz, Maynila nang mapuna ng mga kalaro ng suspect sa sugal ang pekeng pera na pinantataya nito. Kinompronta ng kanyang mga kalaro ang suspect na nagtangkang tumakas kung kaya ito binugbog ng kalaro at ipadakip sa pulisya. (Ludy Bermudo)