Gasoline station hinoldap

MANILA, Philippines – Mahigit sa P.2-milyon cash ang natangay sa isang gasoline station makaraang holdapin ng tatlong lalaki na magkaka-angkas sa isang motorsiklo, sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga. Ayon kay Ester Lai, 55, cashier ng Universal Service Station (sangay ng Caltex) dakong alas- 10:10 ng umaga nang maganap ang insidente sa Caltex Station sa 1126 Andalucia corner Laong-laan, Sampaloc, Maynila.

Palabas umano ng opisina ng gasoline station si Lai bitbit ang P113,330 cash at P114, 859 na mga cheque para ideposito ang pera sa bangko nang lapitan siya ng isa sa suspek, tutukan ng di nabatid na kalibre ng baril at saka tinangay ang pera.

Nabatid na ang nasabing halaga ay tatlong araw na kita ng gasolinahan. Nagsilbi namang look-out ang isa pang suspek na nakatayo sa isang bahagi ng gasolinahan. 

Nang makuha ng mga suspek ang pera ay naglakad patungo sa isang motorsiklo na nag-aabang malapit sa lugar kung saan naghihintay ang isa pa nilang kasamahan saka umangkas ang mga ito at mabilis na pinaharurot papalayo. (Ludy Bermudo)


Show comments