MANILA, Philippines - Kritikal ngayon ang kalagayan ng isang 45-anyos na lalaki matapos na pagbabarilin ng sariling pinsan dahil sa labis na selos bunga ng pagiging malapit ng mga anak ng huli sa una sa lungsod ng Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Mga tama ng bala sa kaliwang kamay, dibdib, leeg at ulo, ang naging sugat ng biktimang si Jenny Lopez, alyas Bong, at residente sa Mayon St., corner España kung kaya patuloy na inoobserbahan ito sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa Manila.
Pinaghahanap naman ng awtoridad ang salarin na si Rizalino Mameng, alyas Ninoc, ng P. Florentino St., corner Iba, Quezon City na mabilis na tumakas makaraan ang insidente.
Kuwento ng mismong mga anak ng suspek, madalas daw na namamaril ang kanilang ama, lalo na kung nagagalit ito kasabay ng pag-amin na binaril nga nito ang kanilang tiyuhin.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa mismong bahay ng biktima habang ito ay kumakain ng hapunan pasado alas- 8 ng gabi. Diumano, bigla na lamang sumulpot sa loob ang suspek at kinompronta ang biktima sanhi upang mauwi ito sa mainitang pagtatalo.
“Kasi nagseselos si Ninoc (suspek) kay Bong (biktima) dahil mas napapalapit daw ang loob ng mga anak nito kay Bong, at yun ang alam kong pinag-awayan nila,” sabi ng kaanak ng suspek.
Nasa kainitan ng pagtatalo ang dalawa nang biglang magbunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang biktima, bago tuluyang tumakas. (Ricky Tulipat)