MANILA, Philippines - Patay ang isang 35-anyos na janitor nang magbigti matapos layasan ng misis bunga ng pag-aaway sa Tondo, Maynila kamakalawa ng hapon.
Patay na nang madiskubre ang biktimang si Jonathan Alao, ng Balimbing at Alinian sts., Tondo dakong alas-2:30 ng hapon sa loob ng kanilang bahay.
Sa imbestigasyon, matinding away ang namagitan sa biktima at misis nitong si Elmari nang magselos ang una. Nauwi sa paglalayas ng misis at iniwan ang mister.
Naging problemado umano ang mister na nakitang madalas tulala hanggang sa madiskubre na lamang ang pagbibigti.
Huli na nang balikan ng misis ang mister na isa nang bangkay.
Samantala, isang engineer ang natagpuang patay matapos itong magbigti kahapon ng tanghali sa lungsod ng Navotas.
Kinilala ang nasawi na si Rodolfo Domingo, 51, ng E. Rodriguez St., Brgy. Tanza ng lungsod na ito. Isang sinturon ang ginamit nito sa pagbibigti.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito. (Ludy Bermudo at Lordeth Bonilla)