Porter binaril na, sinaksak pa

MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang 25- anyos na porter nang barilin at pagsasaksakin ng kaalitang kapitbahay, habang nanonood ng larong bilyar sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Michael Urbano, binata, ng Katuparan Condominium, Vitas,  Tondo. Nagtamo ito ng mga tama ng sumpak at saksak sa katawan. Pinaghahanap na ang tumakas na suspek na si Brian Neil Cagurong, 23.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng Unit 112 Bldg., 13 Katuparan, Vitas, Tondo Maynila.

Nabatid na habang nasa bilyaran ang biktima, sa ibaba lamang ng nasabing gusali, nang biglang dumating ang suspek at agad umanong nilapitan at pinutukan ng sumpak ang biktima sa dibdib. Nagawa pang tumakbo ng biktima subalit hinabol siya ng suspek at pinagsasaksak.

Napag-alaman na matagal ng may alitan ang biktima at suspect. (Ludy Bermudo)

Show comments