Tresurero ng transport group nilooban na, pinatay pa

MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang isang treasurer ng isang transport group ng tatlong hinihinalang miyembro ng akyat-bahay gang, kung saan tinangka pang gahasain ang anak na dalaga ng una ma­ta­pos looban ang kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Muntin­lupa City. Kaagad na nasawi ang biktimang si Hector Elpedio, 44, ng Longbeach sa panu­lukan ng Amsterdam St., Richview 1, Camella Homes, Brgy. Tunasan ng lungsod na ito. Si Elpedio ay treasurer ito ng GT Express Victoria trans­port group ay nasawi sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Bukod dito, binanggit pa sa ulat na tinangka pa uma­nong halayin ng mga suspect ang anak ng nasawi na si Marjorie, 22.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-9:45 ng gabi sa loob ng bahay ng mga biktima sa nabanggit na lugar.

Nabatid na kumatok ang mga suspek sa bahay ng mga biktima at nang buksan ng ka­sambahay ay puwersahan nang pumasok ang mga armadong suspect. Agad na tinutukan sila ng baril at sini­mulan ng samsamin ang mga salapi, alahas at iba pang per­sonal na gamit na mapapaki­nabangan.

Kinaladkad umano ng isa sa mga suspect si Hector sa loob ng masters bedroom bago binaril sa ulo na naging da­hilan ng agaran nitong ka­ma­tayan, habang ang isa nama’y pinasok sa loob ng silid ang dalagang anak ng biktima at tinangka pang halayin.

Napag-alaman pa rin na ang asawa ni Elpedio na si Teresita, 44, ay isa namang vault custodian ng isang bahay-sanglaan.

Iniutos naman ni Senior Supt. Elmer Jamias, hepe ng Muntinlupa City Police ang ma­lalim na pagsisiyasat sa kaso dahil posibleng target lamang ng mga salarin na paslangin si Hector at pinali­litaw na pagnanakaw lamang ang dahilan upang mailigaw ang imbestigasyon ng pulisya.

Napag-alaman na bago naganap ang pamamaslang, nagkaroon umano ng pagpu­pulong ang mga opisyal at miyembro ng GT Express at ilan sa mga tinalakay ay ang pagkuwestiyon sa pondong hinahawakan ng biktima. (Lordeth Bonilla)

Show comments