MANILA, Philippines - Isang barangay tanod ang nasawi matapos pagbabarilin ng kanyang ipinakulong sa Caloocan City kamakalawa.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Pagamutan Lungsod ng Malabon sanhi ng apat na tama ng bala ng baril sa katawan si Antonio Barquin, 53, ng Salaysalay St. ng lunsod na ito.
Tinutugis pa ng pulisya habang isinusulat ito ang suspek na si Reggie de Guzman, nasa hustong gulang at kalugar ng biktima.
Naglalakad ang biktima sa isang covered court sa kahabaan ng Sabalo St. ng lungsod na ito nang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ang una. Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek habang dinala naman ang biktima sa nabanggit na pagamutan.
Nabatid na naipakulong ng biktima ang suspek dahil sa kalokohan nito at nang makalaya ay inabangan si Barquin at pinagbabaril. (Lordeth Bonilla)