MANILA, Philippines – Muling nabulabog ang mga kawani sa tanggapan ng Ombudsman kahapon matapos isang banta ng pagsabog ang natanggap ng isang opisyal dito sa pamamagitan ng text messages.
Dahil dito, pansamantalang nahinto ang mga trabaho ng mga kawani at sabay-sabay na pinalabas ng nasabing gusali sa pangambang madale ang mga ito ng bantang pagsabog.
Nataranta sa takot ang mga kawani dahil sariwa pa sa isipan ng mga ito ang nangyaring pagpapasabog sa kanilang tanggapan noong Linggo ng umaga kung saan nawasak ang ilang parte ng tanggapan dito.
Ayon sa ulat, alas-11 ng tanghali nang makatanggap ng text messages at tawag sa telepono si Atty. Morin Generoso, na nagsasaad na may nakatanim na isang component bomb sa kanilang lugar at maari itong sumabog anumang oras.
Dahil dito, agad na ipinagbigay alam ng guwardiya ang mensahe sa kanilang personnel dahilan upang magpasyang palabasin muna ang mga kawani para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Agad namang rumesponde ang Explosive and Ordnance Division ng Quezon City Police District at sinuyod ang lahat ng sulok ng tanggapan dito, ngunit makalipas ang halos isang oras ay negatibo ito. Magkagayunman, tuluyan nang pinauwi ni Orlando Casimiro, overall deputy Ombudsman ang mga kawani para masigurong ligtas ang mga ito.
Noong linggo ay ginulantang ng malakas na pagsabog ang nasabing tanggapan partikular sa gate 2 exit at driveway na matatagpuan sa Agham Road, Brgy. Bagong Pag-asa sa lungsod.
Kasunod nito, Lunes ng umaga naman ay may bombang natagpuan naman sa flagpole sa tanggapan ng Department of Agriculture (DA) kasunod ay isa pang bomba ang natagpuan sa may Project 8 sa Katipunan. (Ricky Tulipat at Angie dela Cruz)